Hindi natin mapagkakaila na ang ating bansa ay marami pa ring kinakaharap na problema at isa na rito ay hindi lahat ng tao ay nakatatamasa ng kalidad na edukasyon. Ayon sa Kagawaran ng Edukasyon, umabot sa 1.207 milyon ang mga batang may edad na anim na taon ang hindi nakapag-aaral at ito ay nadadagdagan pa. Ilan sa mga dahilan nito ay ang hindi pagkakaroon ng sapat na kakayahan para makapag-aral, hindi nabibigyan ng oportunidad para makapag-aral, at kakulangan sa mga pasilidad o paaralan sa kanilang lugar. Bukod pa rito, isa rin ang kahirapan sa pinakamalaking dahilan kung bakit hindi nakapag-aaral ang isang tao dahil may mga taong pinipili na lang na magtrabaho kaysa mag-aral upang matugunan ang kanilang pangangailangan. Ang kawalan ng kalidad na edukasyon ay may malaking epekto sa buhay ng tao kaya naman mahalaga na masolusyonan natin ang problemang ito.
Ang edukasyon ay tumutukoy sa pagkatuto ng isang tao na upang mapagyaman ang kaniyang kaalaman. Ito ay isa sa mahahalagang bagay sa buhay ng isang tao dahil sa pamamagitan nito, napupunan ang kakulangan niya sa kaalaman, natututunan niya ang mga bagay na importante sa araw-araw nating pamumuhay tulad ng pagbabasa at pagsusulat, nalalaman niya ang kaniyang mga karapatan, at natututunan niya ang mga bagay na hindi niya matututunan sa labas ng paaralan. Ang hindi pagkakaroon ng kalidad na edukasyon ay may malaking epekto sa isang tao at isa na rito ay ang kawalan ng trabaho. Ito ay dahil marami pa rin ang hindi tumatanggap ng trabahador o manggagawa na hindi nakapagtapos ng pag-aaral at dahil dito, hindi rin natutugunan ng tao ang kaniyang mga pangagailangan na nakaaapekto rin sa kaniyang pamumuhay. Ang lahat ng tao ay may karapatan na makapag-aral ngunit dahil sa kahirapan at iba pang dahilan, hindi lahat ay nararanasan ito. Kung kaya't mahalagang mabigyan ang lahat ng tao ng oportunidad na makapag-aral at mapagyaman ang kanilang kaalaman. Ang pagbibigay ng sapat pansin ng gobyerno sa problemang ito ay isa sa mga epektibong solusyon dahil responsibilidad nilang siguraduhin na nabibigyan ng pantay-pantay na karapatan at oportunidad ang kanilang pinamumunuan. Bukod pa rito, ang paggawa ng mga programa na maaring makatulong sa mga taong nais makapag-aral at pagpapatayo ng mga paaralan sa iba't ibang lugar upang hindi na nila kailangang lumuwas para mag-aral ay nakatutulong din upang matugunan ang problemang ito.
Ang edukasyon ay mahalaga sa bawat tao dahil sa pamamagitan din nito, namumulat tayo sa katotohanan na nangyayari sa ating mundo at kung wala ito, patuloy tayong mamumuhay nang walang alam at pakialam sa ating paligid. Tandaan na walang masama sa pagiging uhaw sa kaalaman at paghahangad na makapag-aral dahil wala nang mas mahalaga kaysa sa ating kaalaman na maari rin nating ibahagi sa iba.
Comments
Post a Comment